Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH
BAHAY SALIKSIKAN NG KASAYSAYAN -- BAGONG KASAYSAYAN (BAKAS), Inc.
PO Box 366, UP Campus, Diliman, Lunsod Quezon
Unit 2 No. 35A Escaler St., Loyola Heights, Lunsod Quezon
Telefax:  927-2396
Email: carmen_penalosa@yahoo.com

IBINABALITA NG BAHAY-DAGITAB NG BAGONG KASAYSAYAN SA BUONG AKADEMYA ANG MAGANDANG BALITA NG SIYENTIPIKONG PAGKAKASALIN NG ISA SA PINAKAMATANDA, AT PINAKAMISTERYOSONG SULATIN SA KASAYSAYAN NG PILIPINAS, ANG INSKRIPSYON NG BANGANG KALATAGAN, NI DR. RAMON GUILLERMO.  ANG BUONG PAPEL, ANG NASALING SULATIN AT ANG KANYANG SALIN SA FILIPINO AY MAAARING MAKUHA (download) SA IBABA.  ANG MGA KOMENTO AY LUBOS NA TINATANGGAP SA DAKONG ITO.

(Bagong Kasaysayan Website announces to the whole academic community this great news of the scientific deciphering of one of the oldest, most mysterious script in Philippine history, the Calatagan Pottery Inscription, by Dr. Ramon Guillermo.  The full paper, the deciphered script and his translation in Filipino can be downloaded below.  Comments are most welcome in this page.)


"'ina bisa kata' (masasabi ni ina) na ba ang unang linya ng inskripsyon?"
BASAHIN ANG PAPEL NA MAKUKUHA SA IBABA!

Ina Bisa Kata:

Ang Inskripsiyon ng Bangang Kalatagan[1]

 

Ramon Guillermo, PhD

Depto. ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

Kolehiyo ng Arte at Literatura

Unibersidad ng Pilipinas

Diliman, Quezon City

 

Introduksyon

 

Eksaktong limampung taon na nang unang inulat ang pagkahukay ng tinaguriang "Bangang Kalatagan" (BK) noong taong 1958. Binili ito ng Anthropological Foundation of the Philippines at dinoneyt noong 1961 sa Museong Pambansa. Nagsasagawa noong mga panahong ito ang isang pangkat ng mga arkeologong pinamunuan ng Amerikanong si Robert B. Fox ng isang malawakang ekskabasyon sa mga matatandang libingan sa Kalatagan sa Hilagang-Kanlurang bahagi ng Batangas. Nagkataong may ilang may-ari ng isang loteng binubungkal na nakihukay at nakadiskubre ng naturang banga sa hindi kontroladong kondisyon. Binenta nila sa halagang PhP 6.00 ang naturang banga na may mga misteryosong sulatin sa paligid ng bibig kay Alfredo Evangelista (Dizon 2003). Sanhi ng ganitong mga sirkumstansya ay maraming naghihinala na maaari itong maging pekeng artifakt na naging laganap na sa mga disiplina ng kasaysayan at arkeolohiya sa Pilipinas. Ngunit marami ring naniniwala na isa itong tunay na artifakt mula sa nakaraang sinauna ng Pilipinas. Ayon nga kay Francisco (1973, 14), "Pending discovery of further proofs, let it be considered that this inscription carries the burden of archaeological proof of ancient Philippine writing." Inulat pa ni Dizon (2003, 41) ang opinyon ng Olandong paleograpo na si Johannes de Casparis, "he came to conclude that it was not a fake as evidenced by the inscription itself. He maintained that it would be very difficult to fake such an inscription."

Kung ito'y isang totoo at kapani-paniwalang ng artifakt ay masasabing ito lamang hanggang sa ngayon ang pinakasignipikanteng ebidensyang arkeolohikal ng paggamit ng sinaunang pamamaraan ng pagsulat sa Pilipinas. Ang banga mismo ay may taas na 12.0 cm, lapad na 20.2 cm at bigat na 872 gm. Kung ilulugar sa kapaligiran kung saan ito natuklasan ay matataya ang pinagmulang panahon nito sa ika-14, ika-15 o maagang ika-16 na dantaon. Hindi nagingmatagumpay ang tangkang pagpepetsa nito sa pamamagitan ng Accelerated Mass Spectroscopy (AMS) noong 1992 sapagkat labis na matandang petsa ang lumabas: 6,000 BK sa labas ng banga at 2,000 BK sa loob (Dizon 2003, 41). Ayon naman kay Francisco, ang sistemang baybayin mismo ay maaaring nadala sa Pilipinas noong ika-12 Dt. ng mga mandaragat at mangangalakal mula Sumatra (1973 41, 84).

 

Bagamat higit na maaga ang petsa ng "Sulat sa Tansô ng Laguna" (STL) na 900 AD ay hindi ito maituturing na halimbawa ng sinaunang pamamaraan ng pagsusulat na partikular sa Pilipinas (Postma 1991). Lumang Kawi ang sistema ng pagsusulat na ginamit rito na nagmula pa sa pulo ng Jawa sa kasalukuyang Indonesya. Ito ang sinasabing ninuno ng maraming sistema ng pagsusulat sa Dunia Melayu, kasama na ang mga sistema ng pagsusulat sa Pilipinas. Ang Lumang Kawi ay isang pamamaraan ng pagsusulat na may mayaman nang dokumentasyon at napagdulutan na ng maraming pananaliksik (de Casparis 1975). Ganap na kabaligtaran ito ng hindi kilalang silabaryo na nakaukit sa BK. Dagdag pa'y maraming nabubuhay pang halimbawa ng mga sulating nakasulat sa Lumang Kawi habang iisa lamang ang nalalamang halimbawa ng sulatin sa BK. Pangunahing suliranin sa STL ang pag-unawa sa nilalaman nitong mga salita mula sa iba't ibang lumang wika at ang pagtukoy sa mga nababanggit ritong mga lugar, datos at pangalan. Bukod pa rito'y makikita sa Lumang Kawi ang mga katangiang nakapagpapadali ng pagbasa tulad ng pagkalinaw ng pagkakahiwa-hiwalay ng mga salita sa isa't isa sa pamamagitan ng paglalagay ng espasyo sa pagitan ng mga letra at ng pagkakaroon nito ng paraan upang maisulat ang panghuling katinig ng mga salita. Taliwas nito'y mapapansin sa pagkakaayos ng mga simbolo sa BK na malaki ang pagkakahawig nito sa ginagamit pa sa kasalukuyang Surat Mangyan at Surat Tagbanuwa na wala nitong huling dalawang katangian.

 

Maraming kinakaharap na problema ang sinumang maghahangad na mabasa ang BK:

1) Hindi kilala ang karamihan ng mga simbolong nakasulat rito.

2) Hindi tiyakang nalalaman ang wikang ginamit sa pagsusulat kahit pa mahihinuhang Tagalog o Mangyan ito dahil sa pook na napagtuklasan.

3) Kung matutukoy man ang mga katumbas na tunog ng mga simbolo ay kinakailangan namang matukoy ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga salita at ang mga panghuling katinig ng mga salitang mayroon nito.

 

Kung isasaisip ang mga suliraning ito ay natural lamang na isipin na imposible nang malaman ang nakasulat sa BK. Marami na ring ekspertong sumubok tulad nina Francisco, Potet, Postma at Conklin ngunit wala pang nakakagawa ng kumpletong interpretasyon o transliterasyon ng nilalaman nito. Noong dekada sesenta, nilapitan si Guillermo Tolentino ng Pambansang Museo upang ipaliwanag ang sulatin, ngunit ang ginamit na pamamaraan ni Tolentino ay séance kung saan tinawag ang kaluluwa ng lumilok ng banga upang ipaliwanag ang kanyang sinulat. Ayon kay Santos (1996d), ang resulta ng pagtatangka ni Tolentino ay ang sumusunod:

 

Labag man nga lang (sa) aki't (kalooban)

Kanino man, kay ina'y mag-alay,

gaano man ang kanyang kakailanganin, (sa kabila)

Aba! kanino man nga iyan galing,

labis ang ganyang ating

pakikinabangin (sa wakas) (na pagpapala ni Bathala).

 

Taliwas dito, ayon naman kay Ocampo (2007), ang sinabi ni Tolentinong nilalaman ng sulatin ay ang payak na sumpang, "kung mabasag mo ako, mamalasin ka." Dahil hindi siyentipiko at kontrolado ang mga pamamaraan na ginamit ni Tolentino ay hindi niya maipaliwanag kung paano niya naabot ang ganitong resulta. Mayroon ding isang Dr. Quentin Oropilla na nagpahayag na nabasa na niya ang nilalaman ng inskripsiyon noon pang 1991 ngunit wala pa ring lumalabas hanggang ngayon hinggil sa kanyang natuklasan (Dizon 2003, 39). Si Juan Francisco (1973) at ang Pranses na si Jean-Paul Potet (1983) lamang ang masasabing nakabuo ng humigit-kulang na kumpletong pagtutumbas ng mga simbolo ng BK sa mga pantig ng mga baybayin sa Pilipinas.  Nabuo ni Francisco ang kanyang di-kumpletong tumbasan sa pamamagitan ng masinsinang paghahambing ng hugis at mga katangian ng mga simbolo sa BK sa iba pang mga baybayin at kamag-anak na sistema ng pagsusulat. Ngunit ayon nga sa kanya, "I can offer no possible transliteration of the inscription owing to the difficulty of identifying some of the symbols, as indicated in the above attempt to identify them" (1973, 39). Gayumpama'y napakahalaga ng kanyang pagpansin ng mga katangian ng mga simbolo sa BK ng "curvilinear," "lineo-angular" na nagpapakita na maaaring kumbinasyon ito ng Surat Mangyan at Surat Tagbanuwa (1973, 32).  Tila naabot ng kanyang masusi at sopistikadong analisis ang hangganan ng maiaambag ng disiplinang paleograpiya sa pag-arok ng nilalamang kahulugan ng BK. Ipapakita sa bandang dulo ng kasalukuyang pag-aaral ang pagkakatugma ng mga resulta nito sa dating ginawang mga pagaaral nina Francisco at Potet. Binigyang-diin ni Francisco ang halaga ng pagpapalitaw ng kahulugan ng inskripsiyon ng Bangang Kalatagan,

 

The successful decipherment of the inscription would open many “dark rooms” in Philippine pre-and proto-history. For instance, the symbols will thus have been fully identified and it would thus show the various forms of the letters as they were known and used in prehistoric times. After this is successfully done, perhaps paleographists would then be able to give a better typological analysis of Philippine scripts generally. Furthermore, the decipherment of this inscription would also open to linguistic scientists a new field of study in terms of the structure of the Tagalog or Mangyan languages in Pre-Hispanic times. Indeed, this inscription is truly significant in the attempt to understand the many vague aspects of Philippine cultural history (1973, 39).

 



[1]               Pinasasalamatan sina Zeus A. Salazar, Bienvenido Lumbera, Jun Cruz Reyes, Ricardo Nolasco, Connie Paz at Benedict Anderson para sa kanilang ibinahaging kaalaman at komento sa pagpapahusay ng papel na ito.  Pinasasalamatan din ng may-akda ang Office of the Chancellor at ang Office of the Vice-Chancellor for Research and Development (OVCRD) ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman para sa suportang pondo sa pamamagitan ng Ph.D. Incentive Award.



MAY KARAPATANG-ARI (copyright) NI DR. RAMON GUILLERMO, Pebrero 2008


Attachment: Ramon Guillermo - Calatagan Rebisyon.pdf

18 CommentsChronological   Reverse   Threaded
rmaningas wrote on Feb 28, '08
galing talaga ni sir bomen...isang pagpupugay ang aking ibinibigay sa iyo aking dakilang guro at kaibigan
bomenguillermo wrote on Mar 1, '08
PAHABOL NA ERRATA
Sa Talanayan 8 ay dapat letrang F ang nakamarkang letrang J. Dalawa ang napamagatang Tahalanayan 14. Yung ikalawa ay dapat Talahanayan 15. Dito naman sa Talahanayan 15 ay naipagpalit ang label ng Surat Mangyan at Surat Tagbanuwa. Ang nakasulat na link na www.python.com sa pahina 6 ay dapat www.python.org.

- Bomen Guillermo
zasalazar wrote on Mar 2, '08, edited on Mar 4, '08
COPYRIGHT MARSO 2008 NI ZEUS SALAZAR.

KOMENTO UKOL SA SALIN NI BOMEN

Sang-ayon ako sa pagkadecipher ni Bomen ng nakasulat sa "Palayok ng Calatagan" sa isa sa mga iskrip na palasak din sa Indo-Malaysia at naiiba sa iskrip na gamit sa Laguna Copper Plate (900 M.K.). Napakaimportante ito hindi lamang para sa kasaysayan, arkeolohiya at paleograpiya ng Pilipinas per se kundi para sa kasaysayan ng panitikang Pilipino na rin, dahil nga sa ang nakasulat sa banga ay isang tula (di tulad ng nakasulat sa Laguna Copper Plate na isang kontrata)

. Sa ngayon, nais ko munang imungkahi ang isang pagbasa at salin sa tula na naiiba sa napakahulugan ni Bomen mula sa kanyang nadecipher.

Ang pagbasa at salin ni Bomen sa tula ay nasasalalay sa kanyang hinalang Malayo o kaya Tagalog na may bahid na Malayo ang wika nito. Sa palagay ko di ito tumpak dahil sa ang probableng pinagmulang panahon ng palayok (at samakatuwid ng nakasulat dito) ay mailalagay sa pagitan ng mga petsang 1000 at 1300 M.K. (batay sa pagpepetsang C-14 sa mga nahukay sa Calatagan) sa isang dako at, sa kabilang dako, ng mga petsang 2000-2500 at 6000 B.K. na di katanggap-tanggap dahil di-umano'y "napakaaga" bagamat isinagawa ang pagpepetsa direktamente sa mismong palayok sa pamamagitan ng Accelerated Mass Spectroscopy (AMS), isang mas pinabuting bersyon ng tradisyunal na pamamaraang radiokarbon 14 (C-14). Ibig sabihin, maaaring mas matanda pa kaysa 1000 M.K. ang palayok ng Calatagan; samakatuwid, hindi pa maaaring napadakong Luzon na ang mga Malayo o Malayophone -- at lalong hindi pa nagkakaroon ng epekto o kaya "impluwensiya" ang wikang Malayo sa Tagalog o alinmang wika sa Luzon (tulad halimbawa ng Bikol) -- nang ginawa ang palayok ng Calatagan. Sa katunayan, masasabing wala pang "Tagalog" o "Bikol" din noon. Sa halip, ang naroroon lamang sa rehiyong iyon ay isang kontinuum ng mga wika na may anyong natawag na "Gitnang Pilipinas" (Central Philippines). Kung kaya't mas may matatamo siguro ang pagtunghay sa tula na isinasaalang-alang ang kalagayang ito ng mga wikang "Sentrong Pilipinas" sa panahong pinagmulan ng palayok. Sa partikular, sa aking pagtatangkang salin, mas nararapat sigurong ipook nang mas makitid ang pungyagi sa loob ng kontinuum na Tagalog-Bikol, partikular dahil sa, salin mismo ni Bomen, lumilitaw ang katagang Bikol na "payaba", na isang variant ng "padaba" sa kahulugang "mahal, minamahal, inaalagaang mabuti, pinalalaki sa layaw".

Sa salin ni Bomen, ipinapalagay na Malayo ang mga katagang "bisa", "kata", "guna", "sana" at "saya" sa kahulugang "sinikap" (sa kabila ng sa kahulugan ding "marunong"/"may kakayanan" nito), "magsalita", "para sa" (sa kabila ng kahulugan ding "pakinabang"), "doon" at "ako" (sa kabila ng pangyayaring "aku" ang palasak sa Malayo at sa halip na "saya" noon; wala halimbawa ang "saya" ni sa mas bata pang Sejarah Melayu (bago 1536) ni sa Hikayat Hang Tuah ng panahon ng Sultanato ng Malakka, kung kailan mas "hamba tuan" ang katumbas ng ating "ako" para sa mabababang uri at "aku" sa para sa mga panginoon o maginoo). Bukod dito, ikinabit ni Bomen ang "-ng" sa "dula" upang ito'y maging "dulang" ("mababang mesa") ng Tagalog kaugnay ng ideya niyang pinapasuso ng "ina" ang bata/anak (na hindi nababanggit ni natutukoy man lamang sa teksto) sa dibdib -- i.e., "dada" sa Malayo. Sa kontekstong ito, ang linya 4 na "dada ya[ng] 'ni [i.e., "ini" para kay Bomen at hindi ang simpleng "ni" ng kapwa Malayo at mga wikang Pilipino]" ay isinalin ni Bomen na "dibdib ko 'to[ng]". Bagamat maaari ang "dibdib ko itong (mabango)" ay sa Tagalog, hindi puwede ang "dada yang ini" sa Malayo dahil ang ibig sabihin ng "yang" ay "na" (sa Ingles: "which" o "that" at kahit na "who") at maaari lamang sundan ng isang pandiwa tulad ng sa titulong "Yang dipertuan Agong" o "Agong NA ginawang panginoon", ang haring hinahalal mula sa hanay ng mga sultan ng Malaysia. Ang "manogi" naman, sa kahulugang "mabango", ay tila nakuha ni Bomen mula sa isang wikang Polynesiano. Kung "basa[-h]" ay katumbas nga ng "basa'" sa maraming wikang Pilipino, ang "kita" ng Malayo ay katumbas talaga ng Tagalog "tayo" at Bikol "kita", hindi ng "ikaw" na na ang katumbas sa Malayo ay "engkau" (cf. linya 3: "Dulang saya KAU kain"). Hindi maitutumbas sa "ikaw" ang "kita", Dual ito -- i.e., "tayong dalawa" o "ko ikaw" (ang ibig sabihin ng "iniibig kita" ay "iniibig KO IKAW"). Sa Bikol nga (at sa Malayo) ang "kita" ay katumbas ng Tagalog "tayo". Mangyari pa, may kahulugan din ang Bikol "kita" na "tayong dalawa", habang ang "ko ikaw" ay "taka" ("mahal taka") sa Bikol at, gayundin, sa ilang mga wikang Bisaya ("suportado taka" = "suportado ko ikaw"). Sa Tagalog ang "taka" ng Tagalog at Bisaya ay "kata" sa kahulugan ding "kita" sa ilang mga sitwastyon, tulad ng makikita sa linya 1 ng tula ng Calatagan: "Ina bisa kata" (cf. infra).

May kabuuan ang salin ni Bomen. Gayumpaman, sa kabila ng ilang tila puwersadong paggamit at pagbubuo/pagkabuo ng mga kataga na nabanggit sa itaas, maitatanong siguro kung ano ang kaugnayan ng pagpapasuso ng anak sa palayok na kinasusulatan ng tula. Tila wala. Subalit kung ipopook ang pagsasalin ng tula sa kontinuum na Tagalog-Bikol, hindi lamang maiuugnay ang palayok o banga sa tula kundi magkakaroon ito ng iba at tila mas angkop na kahulugan. Importante rito ang pagkabit ng "-y" (sa halip ng "-ng") sa "dula" na magbibigay rito ng kahulugang "bangang gamit sa pag-igib ng tubig" (ang Bikol na "dulay") [cf. ang ekspresyong "nabasag ang banga" bilang pahiwatig ng pagkawala ng pinakaiingatan ng isang dalaga]. Ang "bisa" ay "bisa" ng Tagalog, samantalang ang "kata" ("taka" sa Bikol at sa ilang wikang Bisaya) ay isang partikular na anyo ng "kita" kapwa ng Bikol at Tagalog. Samakatuwid, ang unang llinyang "Ina bisa kata" ay nangangahulugang "Ina, bisa kata" o "Ina, ikaw ang aking bisa (gahum, anting-anting, lakas)." Sa pangalawang linya, hindi na kailangan ang "guna" ng Malayo dahil may "guna" sa Bikol sa kahulugang "dumalaga", samantalang ang "kita" ay "atin/natin" kapwa sa Bikol at sinaunang Tagalog; kung kaya't ang salin ng linya 2 ay: "Ang dumalaga nating payaba (mahal)". Importante sa linya 3 ang "saya" na maisasaling "sa-iya" (Bikol) o "sa kanya" at ang "kaka-i" (Bikol), sa halip ng "ka[-u] ka-i[-n]" ni Bomen. Ang kahulugan ng "kaka-i" ay "bumukaka (ang mga paa)" -- samakatuwid, mababasa ang linya 3 na "Dulay saya kaka-i" at ang kahulugan nito ay: "(Sa) Dulay sa kanya bumukaka ang mga paa (ng dumalaga)".

Sa linya 4, hindi kailangang kabitan pa ng "-ng" ang "ya" dahil ito ay "[si-]ia" (cf. Bikol "sa-iya" {sa kanya} at Malayo "ia" {"siya" ng Bikol at Tagalog}). Ang "ni" ay talagang "ni" at hindi "ini". Ang "manugi" naman ay ang "umaani"/"umani" o "naglalako"/ "naglako" ng "tugi" (Discorea esculenta), halamang ugat (tuber) na ganoon ang pangalan kapwa sa Bikol at Tagalog. Samakatuwid: "Dara ya [siya: i.e., ang "dulay"] ni Manugi" o "Dala siya ni/ng Manugi." Sa linya 5, ang "sana" ay hindi "doon" ni Bomen kundi ang "sana" ng Tagalog o "sana" (lamang, walang ibang kasama) ng Bikol at ang "mabasa" ay hindi ang "mabasah" (Tagalog "mabasa'") ni Bomen kundi "mabasag" ("ma-" ng Bikol at "basag" ng Tagalog) sa sentidong "nakaakmang magbasag". Kaya't: "Tayong dalawa lamang (ay) nakaakmang magbasag". Sa huling linya, ang linya 6, hindi na kailangang kabitan ng "-i" ang "baga" upang matamo ang Malayong "bagai" (tulad ng) dahil may "baga" (Tagalog "di ba?") ang Bikol. At ang "bunga" sa Bikol ay ang "areca nut" na esensyal, kasama ng buyo, sa "nganga" na nginunguya bilang preliminaryo sa pag-iisang katawan. Ang "ki" sa Bikol ay "ng". Kung kaya ang ika-6 na linya ay: "Baga ki bunga" o, sa Tagalog o P/Filipino "Di ba, ng bunga". Samakatuwid, ganito ang tulang nakaukit sa palayok ng Calatagan at ang salin nito sa P/Filipino:

Ina bisa kita

INA, IKAW ANG AKING BISA

Guna kita payaba

DUMALAGA NATING ALAGA

Dulay saya kaka-i

BANGA SA KANYA'Y NASIPA

Dada ya ni Manugi

DALA SIYA NI MANUGI

Kita sana mabasag

NAG-IISA TAYONG MAGBABASAG SANA

Baga ki bunga.

DI BAGA NG BUNGA


Mapupuna na, liban sa una (may anim na pantig) at huli (may limang pantig), ang apat na panggitnang taludtod ay may pitong pantig, tulad ng makikita kapwa sa ambahan ng mga Mangyan at ng tanaga ng mga Tagalog. Masasabing ito ang palasak na bilang ng pantig sa taludtod ng panulaang Pilipino. l
Ang banga ("dulay"), mangyari pa, ay maaaring alay, sa isang yumao o isang nabubuhay pa na maaaring nagngangalang "Ina" o dili kaya ay tinatawag ng nag-alay na "Ina" bilang kabiyak. Ang tula ay nagpapaalala sa inaalayan (patay man o buhay pa) sa isang pangyayari sa tugian o sa parang kung kailan, habang nakaakma silang magbasag ng bunga para simulan ang pagnganga, ay umalma naman ang kanilang alagang dumalaga, lumipad at nasipa ang bangang dala-dala ni /ng (isang) Manugi. Hindi alam kung ito'y babae o kaya lalaki. Magkagayunman, nasira ang katahimikan sa lugar na nahanap ng magsing-irog sa tugian. At ito'y itinula ng marahil isang balo para sa kanyang asawang yumao na (marahil).

Lipos ng pahiwatig, ng pagmamahal at kapilyuhan din, ito ang unang tulang Pilipino sa kasaysayan ng ating panitikan na ngayon ay mapasisimula na noong humigit-kumulang 1000 M.K. o maaga pa kaysa rito. Pagbati kay Bomen sa pagkadecipher. Nabuksan mo ang isang mundo na palalawakin pa, sa mga susunod na panahon, ng kapantasang Pilipino na sa kasalukuya'y namamayagpag na. zas
bomenguillermo wrote on Mar 2, '08
Salamat sa inyong komentaryo Sir. Maganda ang ilan sa inyong mga punto. Syempre may ilan din ang akong sagot pero tinitipon ko pa ang mga komento para sabay-sabay na sa pagwawasto ng papel. Matatawag ang inyong interpretasyon na "Ur-Austronesyano." Higit na maaga ang ipinapalagay ninyong pagpepetsa ng banga. Ang ginawa at ginagawa kong pagpapakahulugan ay higit na konserbatibo sa pagpepetsa at mas umaaayon na sa ilang nalamaman na datos at konsensus ng mga tumingin sa bangang Kalatagan. Mas nasa paligid ito ng panggitnang panahon ng pagkakaunlad ng wikang Melayu sa daigdig na Melayu (Dunia Melayu) na kinalalagyan ng Sulat sa Tanso ng Laguna. Interpretasyong may malakas na katangiang "Melayu" (kahit hindi pa matatawag na tuwirangMelayu nga) ang inaatupag ko habang sa inyo ay tila interpretasyong "Ur-Austronesyano." Mas adventurous at fearless lang talaga kayo sa aking palagay kaugnay ng bagay na ito.

zasalazar wrote on Mar 2, '08
Mahal na Bomen,
Salamat sa iyong komento. Lilitaw rin ang konsensus pagkatapos ng proseso ng ating talastasan, dito sa BAKAS at sa balana na rin.

Maaari mo kayang ipasok sa aking pagpupuna sa iyong papel ang iyong talahanayan 4: Pagtutumbas ng mga Simbolo sa Teksto ng Alpabetong Romano (pah. 16). Ilagay mo sa espasyo bago o kaya pagkatapos ng aking basa at salin ng inskripsyon? Wala akong alam sa teknikal na aspetong ito. Maraming salamat. zas
bomenguillermo wrote on Mar 3, '08
ILANG DAGDAG NA TALA HINGGIL SA BANGANG KALATAGAN (BK)
Ramon Guillermo (3/4/2008)

PAGPEPETSA

Juan Francisco (1973, 32): "On the basis of its associations, the pot may be dated within the Fourteenth and Fifteenth Centuries, and one may safely assume that the script itself falls within this period."

Francisco (41): "All the associations of this single artifact has been with these Chinese and Siamese wares which may be dated as falling into the period between the late 14th century and the end of the 15th century or the early part of the 16th century… In spite of its associations which would make more or less the Fourteenth Century as its terminus a quo, it can still be assumed that the script itself may have been introduced far earlier than that date, since writing in the Southeast Asian region was already widely used from the early centuries of the Christian Era. It may be further assumed that the earliest date in which it was introduced in the area would be toward the early part of the Twelth Century."

Nakabatay ang pagpepetsa ni Francisco sa mga datos na arkeolohikal (petsa ng iba pang mga bagay na nahukay sa parehong erya ng BK) at sa kasaysayan ng paglaganap ng mga sistema ng pagsusulat sa Pilipinas at daigdig na Indo-Malayo. Ito ang ipinapalagay ng may-akda na may higit na batayan at ebidensya na pagpepetsa.

Ayon naman kay Dizon (2003, 41), ang resulta ng pagpepetsa ng BK sa pamamagitan ng Accelerated Mass Spectroscopy (AMS) ay 6,000 BK sa labas ng banga at 2,000 BK sa loob. Maraming teorya kung bakit ganito ang kinalabasan ng pagpepetsa pero malinaw na hindi mapapagkatiwalaan ang mga resultang itong napakaaga. Sanhi nito'y ayon kay Dizon, "these erroneous dates had t be rejected."

PAGPEPETSA AYON SA BOKABULARYO

Ginamit dito ang website ng Malay Concordance Project (MCP) na naglalaman ng apat na milyong salita o siyamnapung halimbawa ng "premodernong" tekstong Melayu (ibig sabihin Melayu kuno at Melayu klasik). Ang pinakalumang teksto sa MCP "Hikayat Bayan Budiman" (h.k. 1371).

SAYA

Nanggaling sa salitang Sanskrit na "sahaya" (alipin). Napaikili ito upang maging "saya" (ako) sa ebolusyon ng Melayu kuno (lumang Melayu) (simula ika-7ng Dt.) patungong Melayu klasik (ika-13ng Dt pataas). Sa mga akdang maaaring sanggunian sa MCP na hindi masasabing ganap na kumpleto, ang makikitang unang nagtataglay ng salitang "saya" ay ang "Hikayat Pandawa Lima" na hindi tiyak ang petsa ngunit tinatayang humigit-kumulang 1525. Ang sumusunod na akda naman ay ang "Syair Hamzah Fansuri" sa huling bahagi ng ika-16 na Dt (bandang 1590).

KITA

Hindi simple ang salitang "kita." Maaari itong mangahulugan ng "tayo" o "ako" (Echols at Shadily 1997; Wojowasito at Wasito 1980) sa modernong istandard na Melayu. Pero sa ilang wika ng daigdig na Melayu (laluna sa Sarawak at Iban na siyang pinakamalapit sa Pilipinas) ay "ikaw" ang kahulugan nito (Greenhill, Blust at Gray 2003-2008).

BUNGA (h.k. 1370), KATA (h.k. 1370), DADA (h.k. 1370), DULANG (h.k. 1550), GUNA (h.k. 1370)

Kung bokabularyo ng BK at ang hindi kumpleto bagamat malaking corpus ng MCP ang pagbabatayan ay masasabing ang pinakamaagang petsa ng BK ay posibleng sa huling bahagi ng ika-15 at/o unang bahagi ng ika-16 na Dt. Pero maaaring mas maaga pa ang totoong petsa dahil nakabatay lamang ito sa nakasulat na ebidensyang pangwika na dagdag pa'y hindi pa ganap na kumpleto. Hindi ito magugustuhan ng mga gustong maitakda ang petsa ng BK sa malayong sinaunang panahon ngunit umaayon sa kasaysayan ng pagkakapaloob ng kapuluan ng Pilipinas sa Dunia Melayu sa kalakalan, kultura, wika atbp. na makikita sa LCI (900 AD).


ILANG TALA HINGGIL SA ILANG SALITA AT GRAMATIKA


PAYABA

Bikol ito na may mas laganap na anyong "padaba." Walang suliranin dito.

MANOGI

Ito na marahil ang pinakamahirap sa lahat ng salita sa teksto ng bangang Kalatagan. Maaaring gumawa ng teorya hinggil sa pinagmulan ng katagang "manogi." Ang patay na wikang Austronesyanong Basay/Basai sa Silangang Formosa ay may salitang "munangin" (munaŋin) na nangangahulugang "bulaklak" o "bunga" sa wikang Melayu. (Greenhill, Blust at Gray 2003-2008) Sa pamamagitan ng denasalization ("ng"  "g") at posibleng metathesis (pagpapalitan ng "a" at "o/u") ay naging "manogi" ang isa ninyong anyo (Ricardo Nolasco, personal na komunikasyon). Ang "manogi" sa mga wikang Polinesyanong Samoa, Tonga, Niue ay nangangahulugan ng "mabango." Sa wikang Tikopia ay nangangahulugan pa itong "bulaklak" (Ranby). Lahat ng mga wikang ito ay mga wikang Austronesyano at maraming pagkakahawig at pagkakapareho sa bokabularyo. Kung may matatagpuan pang ibang bakas ng "manogi" na naiwan sa Pilipinas at mga karatig-bayan ay mapapalakas ang teoryang ito hinggil sa "manogi."

DADA YANG 'NI MANOGI

Tala hinggil sa grammar. Lehitimo at ginagamit ang sumusunod na mga pangungusap na may katulad na anyo "lkan yang ini mahal sedikit" (may kamahalan ang isdang ito), "Buatan yang ini baik" (mahusay ang produktong ito) at "Tikar yang ini bagus sekali" (napakaganda ng banig na ito). (Wolff 1992).

ILANG SANGGUNIAN

Dizon, E. Z. (2003). A Second Glance at the Calatagan Pot. Pang-alay (Ritual Pottery In Ancient Philippines). Cynthia Ongpin Valdes. Manila: Ayala Foundation, Inc.
Echols, J., Shadily, H. (1997). Kamus Indonesia Inggris. Jakarta: Penerbit PT Gramedia Pustaka Utama.
Francisco, J. (1973). "Philippine Palaeography." Philippine Journal of Linguistics.Special Monograph Issue No. 3.
Greenhill, S. J., Blust. R, & Gray, R.D. (2003-2008) The Austronesian Basic Vocabulary Database. http://language.psy.auckland.ac.nz/austronesian
Proudfoot, I. The Malay Concordance Project. http://www.anu.edu.au/asianstudies/proudfoot/MCP/Q/mcp.html
Ranby, P. (1980). A Nanumea Lexicon. Canberra: Department of Linguistics, Research School of pacific Studies / ANU.
Wojowasito, S., Wasito, T. (1980). Kamus Lengkap. Bandung: Penerbit Hasta.
Wolff, J., Dede Oetomo, D.B(1992). Beginning Indonesian Through Self-instruction. SEAP Publications.

ERRATA SA TEKSTO NG
INA BISA KATA: ANG INSKRIPSIYON NG BANGANG KALATAGAN

Sa Talanayan 8 ay dapat letrang F ang nakamarkang letrang J. Dalawa ang napamagatang Tahalanayan 14. Yung ikalawa ay dapat Talahanayan 15. Dito naman sa Talahanayan 15 ay naipagpalit ang label ng Surat Mangyan at Surat Tagbanuwa. Ang nakasulat na link na www.python.com sa pahina 6 ay dapat www.python.org.

zasalazar wrote on Mar 4, '08, edited on Mar 4, '08
Mahal na Bomen,

Maganda at napapalalim (at napapalawak) ang talastasan. Sana may pumasok pang iba na may mahalagang maiaambag. May dalawang aspeto ang iyong mga dagdag sa ngayon -- 1) ang pagpepetsa ng palayok; at 2) ang bokabularyo o mga salita na nakapalook dito.

Yung tungkol sa mga kataga: sana mapagbigyan mo iyong ipinapakiusap ko sayong talahanayan 4 (na sana'y maipasok mo bago o pagkatapos ng aking pagbasa sa at kaugnay nitong salin ng tula sa palayok. Importante ito dahil ito ang pinagbabatayan ng pagbasa; kasi sigurado na ang iyong pagkadecipher ng mga simbolo. Dapat ngayon masiguro rin ang pagkakasama-sama o pagkakakabit-kabit ng mga ito para makabuo ng mga mauunawaang pangungusap. Habang hindi pa naipapasok yung talahanayan 4, ganito ang pagkakahanay mo ng mga simbolo sa mga katumbas ng mga itong letra sa alpabetong Romano:

1. e/i na be/bi sa ka ta

2. go/gu na ke/ki ta pa ya ba

3. do/du la sa ya ka ka e/i

4. da da ya ne/ni ma no/nu ge/gi

5. ke/ki ta sa na ma ba sa

6. ba ga ke/ki bo/bu nga


Wala namang masasabi sa pagkakakabit ng mga pantig sa unang dalawang taludtod:

Ina bisa kata
Guna kita payaba

Sa ikatlong taludtodn tatlong pantig ang kinabitan, sa basa ni Bomen, ng tig-isang tunog:

dula = dula-ng; ka = kau; at kai = kai-n

na nagbigay ng:

dulang saya kau kain KUMAIN KA SA AKING DULANG

Sa ikaapat na taludtod, isang tunog ang ikinabit at ang isa ay binigyan ng ibang kahulugan:

ya = ya-ng at ni (Tag, Bik. etc. "ni") = 'ni (ini)

Kung kaya't:

dada yang (i)ni manogi (Dibdib ko 'tong maganda)

Sa literal (Dibdib na 'tong manogi).

Sa ikalimang taludtod nadagdagan ang "mabasa" ng "-h", kung kaya't;

Kita sana mabasah (Doon ika'y mabasa) [may glottal stop ang "a-q"]

Sa ikaanim na taludtod naging "bagai" ang "baga" sa pamamagitan ng pagdagdag ng "-i", kung kaya't:

Bagai ke bunga (TULAD NG BULAKLAK).

Sa kabuuan, may pitong dagdag na tunog (anim na direkta, isang implisito sa 'ni o "ini").

Sa aking basa at salin, dalawang kataga ang nabuo sa pagdagdag. Ang una, sa palagay ko, ay esensyal dahil kailangan naman siguro maiugnay ang banga mismo sa nakasulat sa balikat nito at nariyan nga ang "dulay" sa Bikol (na nagbigay rin ng "payaba" at ng "guna" sa pakahulugang "dumalagang manok"). Nangangahulugan ang DULAY na "bangang ginagamit sa pag-igib ng tubig" (Lisboa) at hanggang ngayon ay ginagawa pa ito at tinatawag ng ganito sa Putsan, Tiwi, Albay at gamit pa rin ng mga Bikolnon.

Ang ikalawang dagdag ay yaong ikinabit sa "mabasa" -- i.e., "mabasa-g" (sa Bikol ma+basag = magbabasag; nakaakmang magbasag). Bukod dito, mula sa "ka"+ "kai" (ang "ka-u kai-n" sa salin ni Bomen) nakita ang Bikol na "kakai" (bumukaka/magbukaka; paghiwalayin ang dalawang paa). Kung kaya't ganito ang lumitaw na anyo ng tula:

INA BISA KATA
GUNA KITA PAYABA
DULAY SAYA KAKAI
DADA YA NI MANOGI
KITA SANA MABASAG
BAGA KI BUNGA

"Dada" ay "dara" (dala) sa Bikol; "ya" ay "ia" (siya = si ia; Malayo "ia"); at "saya" ay "sa ia" (sa kanya). Ang "baga" (diin sa huling "-a") ay katumbas ng "di baga" sa Tagalog -- i.e., "hindi ba?". Sa Bikol, ang "sana" (diin sa huling "-a") ay nangangahulugan kapwa ng "sana" (diin sa unang "-a'") ng Tagalog at gayundin "lamang" tulad ng "tayo lamang" (kita sana) -- i.e., " tayo, nag-iisa; walang kasama", kung kaya't ang "Kita sana mabasag" ay "Nag-iisa tayong magbabasag (sana)" baga ki bunga (di baga ng areka).

Mula sa lahat ng iyan, naging madali na ang salin na iminumungkahi ko. Ganito muli ang salin:

INA, IKAW ANG AKING BISA
DUMALAGA NATING ALAGA
BANGA SA KANYA'Y NASIPA
DALA SIYA NI MANUGI
NAG-IISA TAYONG MAGBABASAG SANA
DI BAGA NG BUNGA

Maganda ang resulta ng karagdagang pananaliksik ni Bomen. Ilang panimulang komento lamang. Iyong "manogi" (maganda) ng ilang mga wikang Polyniesiano ay hindi na siguro kailangan pang ungkatin para lamang maitugma sa "dibdib" ng inang ipinapalagay na nagpapasuso at ikinukumpara ito sa isang "mababang hapag" (dulang). Kapwa sa Bikol at Tagalog ay may "tugi" (Discorea esculenta) -- diin sa "-i" na may glottal stop. Kasama ng gabi (Colocasia esculenta) o taro ("natong" sa Bikol) at ube (Discorea alata), importanteng pagkain ang "tugi" para sa mga Austronesyano -- laluna bago ang "palay"/"bigas" para sa mga Pilipino. Banging ito na tumutubo sa kasukalan at mga gubat. Ang ugat, na kahawig ng ube, ang siyang kinakain. Kung kaya't kailangan pumunta sa gubat ang manunugi upang makakalap nito. Doon nga siguro nasumpungan ang magsing-irog.

Tungkol naman sa "kita" sa kahulugang "ako" o "saya" sa Malayo, ganito ang konteksto ng paggamit ng "kita" sa kahulugang "ako" o "saya": aku, saya (oleh raja, orang bangsawan atau orang besar-besar kepada orang kebanyakan atau orang bawahannya) [Kamus Dewan. Edisi Ketiga, pah.686]. Ibig sabihin, ginagamit lamang ng mga raja at dakilang tao ang "kita" kapag ang kinakausap ay ang kanilang mga sakop. Ito ang dahilan kung bakit may "saya" na mula sa Sanskrit na "sahaya" o "alipin". Kaya nabanggit ko na ang "hamba tuan" (alipin ninyo, panginoon) bilang katumbas ng "ako" sa parte ng mga sakop kung ang kinakausap ay mga taong nakatataas sa kanila. Sa kontekstong ito, nakapagtataka, kung tama ang salin ni Bomen, ang paggamit ng nanay sa "saya" (mula sa "sahaya" o "alipin") sa pakikipag-usap sa kanyang anak.Mas angkop siguro rito ang sinaunang "ako" ng mga Austronesyano.

Humahaba na ito. Saka na natin balikan ang iba pa, laluna ang usapin ng pagpepetsa. zas
zasalazar wrote on Mar 4, '08, edited on Mar 7, '08
Pagpapatuloy ito ng komento sa mga dagdag na tala ni Bomen, partikular sa dalawang katagang di ko pa napag-ukulan ng pansin (i.e., "saya" at "yang") at gayundin sa usapin ng pagpepetsa.

Ukol sa "saya" maganda at nabanggit ni Bomen na nagmula ito sa Sanskrit na "sahaya" o "alipin"/"esklabo". Sa mga batis na nakasulat (na sa proyektong Australyanong nabanggit niya ay nagmumula lamang sa ika-14 na Dt.) kasama kadalasan ng "sahaya" ang "hamba" bilang sinonim at nabanggit ko na sa sinonim din ng "ako" na "hamba tuan" bilang pagtukoy sa sarili ng isang nasasakop sa pakikipag-usap sa isang panginoon o nakatataas na tao.

Tungkol sa "yang", bago sa akin ang pagkakaugnay na "yang ini" sa mga halimbawa ni Bomen mula sa pampasimulang teksbuk ni Wolff. Baka "pasar Malay" ang itinuturo sa libro. Wala pa akong naeengkuwentrong ganyan ni sa mga diksyunaryo ng Dewan Bahasa ni kay Wilkinson ni sa iba pang mga babasahin na nasumpungan ko. Sa aking pagkaalam isang "kata penghubung" ang "yang" at ang madalas ikinakabit dito ay "itu" (cf. halimbawa:"rumah yang besar itu", "orang yang sakit itu" o kaya "orang yang tinggi itu adalah paman saya", "mobil yang kamu mau beli itu mahal"). Ngunit, dapat siguro ikonsulta ito sa mga Malayo (o Indones) mismo. . Gayumpaman, lahat ng ito ay hindi esensyal sa pagpapatunay na Malayo o may kaugnayan sa Malayo ang tula ng Calatagan.

Walang katuturan ang pagpepetsa ng palayok ng Calatagan sa pamamagitan ng mga katagang ipinapalagay na Malayo batay sa Malay Concordance Project dahil nasasalalay ito sa mga nakasulat na dokumento at hindi sa kumparatibong lingguwistika.Mahabang kuwento ito na maaari nating pasukin pagkatapos.

Ang tanging maaasahang pagpepetsa ay may kinalaman sa mga teknikang arkeolohikal. Ang una ay hindi gaanong eksakto -- i.e., ang pagkakaugnay ng artefakt sa mga paghuhukay na may napetsahang mga artefakt. Sa kaso ng palayok ng Calatagan walang ganitong posibilidad sapagkat hindi talaga alam ang kontekstong arkeolohikal nito, dahil sa nabili lamang ito sa isang manlalako na nagsabi na nahukay ito sa Talisay, malapit sa lugar na pinaghuhukayan noon nina Fox. Hinggil dito sa huli may konsensus ngayon na ika-14 na dantaon ito.Gayumpaman, ayon kay Bong Dizon, may mga nahukay sa rehiyon din ng Calatagan na nagbibigay ng petsang h.-k. 1000 taon M.K. Samakatuwid, masasabing ang rehiyong arkeolohikal ng Calatagan ay maaaring ipalagay na nakapaloob, sa ating pagkakaalam sa kasalukuyan, sa pagitan ng 1000 M.K. at mga taong 1300 M.K. Sa historiograpiya, ang panahong ito ay maaaring gamiting terminus post quem para maipook sa panahon ang banga -- i.e., masasabing ginawa ito sa loob ng panahong ito o pagkatapos nito. Ibig sabihin, ito ang pinakamaagang panahon kung kailan maaaring ginawa ang palayok ng Calatagan.

Relatibong pagpepetsa iyan. Ngunit may direktang pagpepetsa rin -- ibig sabihin, yung isinagawa sa mismong palayok ng Calatagan. Ang resulta nito ay 6000 B.K. ang nakuha mula sa labas ng palayok at 2000 - 2500 B.K. mula sa loob. Tulad ng nabanggit ko na sa una kong komento sa papel ni Bomen, hindi ito katanggap-tanggap para sa mga arkeologo. Gayumpaman, para sa metodolohiyang pangkasaysayan, maaaring kunin ang petsang 2000 B.K., ang pinakamaagang petsa na lumitaw mula sa Accelerated Mass Spectroscopy (AMS) na isinagawa ng University of Arizona, bilang hypotetikal na terminus ante quem ng palayok -- i.e., nagawa ito BAGO ang 2000 B.K. sa pinakahuli. Samakatuwid, pwede nating sabihin na ang palayok ay maaaring nagawa sa pagitan ng 2000 B.K. sa pinakahuling pagkakataon at ng 1000 M.K. sa pinakaunang pagkakataon. Sa ganitong pagtingin, di maaaring sabihing lampas sa mga taong 1300 M.K. -- i.e., noong mga 1400 M.K. (o mas malapit pa sa ating kapanahunan) -- ang pagkagawa ng palayok. At malamang pa nga na ang mga taong 1300 (o ikal-14 na dantaon) ay improbable bilang pagpepetsa sa banga kapwa dahil sa petsang 1000 M.K. ["range from 1695+/-20BP; 2045 +/-BP; and 2820 +/-40BP] ng pinakabagong paghuhukay ng Archeaological Studies Program ng U.P. at, mangyari pa, sa peinakabatang (o pinakamalapit sa asting) petsa ng 2000 B.K. mula sa banga mismo ngunit hindi matanggap-tanggap sa kasalukuyan ng mga arkeolohista.

Ito ang konteksto ng aking pagkasabi na ang panitikang Pilipino ay maaaring pagsimulain noong h.-k. 1000 M.K. o bago pa rito batay sa tulang nakaukit sa palayok ng Calatagan.Walang pagpupumilit sa palagay na ito na itulak patungong 2000 B.K. o maaga pa ang simula ng (nakasulat na) panitikang Pilipino.

Mangyari pa, kahit na ang panahong 1000 M.K. -- 1400 M.K. para sa palayok ng Calatagan ay hindi magpapahintulot na ilagay ito sa konteksto ng "Dunia Melayu" -- at lalong hindi ito magpapahintulot na gamitin ang Malayo bilang wikang-susi ng pagbabasa sa tulang nakaukit sa palayok. Kapwa ang palayok at ang tulang nakaukit dito ay nakapook sa mundong "Tagalog" o, mas angkop pa siguro, sa kontinuum ng mga wikang "Gitnang Pilipinas" -- higit sa lahat, sa rehiyong Bikol-Tagalog. Ang aking pagbasa at salin ng tula ng Calatagan ay consistent dito at, sa palagay ko, sa orisonteng arkeolohikal ng Timog Luzon. Kailangan ipook dito ang pagbasa at, samakatuwid, ang pagpapakahulugan ng tula ng Calatagan. zas



bomenguillermo wrote on Mar 4, '08
Hi Sir,
Malinaw na ngayon ang linya ng pagkakaiba ng ating interpretasyon. Itong dalawa na sa ngayon ang pangunahing magkakumpetensyang posisyon. Siguro hanggang dito na lang muna. Naipakita ko na ang datos ko, naipakita niyo na ang datos ninyo. Ang masasabi ko lamang ay mas maganda pa rin ang tulang "nabuo" ko kaysa "nabuo" ninyo. Mas ikararangal ko ang ninunong makapagsusulat nito. (Pabiro na lamang ito at wala nang kinalaman sa ating talastasang siyentipiko na tila tumigas na sa dalawang magkaibang teorya. Ang mga sulatin niyo pa naman hinggil sa "Dunia Melayu" ang isa sa nakaimpluwensiya sa akin sa aking interpretasyon). Naku, hindi rin ho sir tama ang pagmamaliit sa mga modernong teknika ng computer-aided analysis tulad ng pagmamaliit ninyo sa concordance techniques. Maunlad na larangan na rin ito kahit sa historiograpiya. Ito ang isa sa nalalaman at ginagamit kong mga teknika.

Bomen
zasalazar wrote on Mar 4, '08, edited on Mar 4, '08
Mahal na Bomen,
Salamat sa mabilisang sagot. Tama ka. Ang dalawang "basa"/"salin" siguro ang dapat ngayon pag-ukulan ng mas malalimang pansin ng bawat isa sa atin at ng ibang interesado sa talastasan. Sana maniwala ka na hindi ko minamaliit ang mga modernong teknika ng computer-aided analysis. Hanga nga ako sa nagawa mong pagdecipher ng iskrip ng palayok ng Calatagan. Sigurado na ito. Sa palagay ko, wala nang makayayanig nito. Ang inaatupag nating dalawa ngayon ay ang pag-unawa ng nakasulat sa palayok dahil nabuksan mo na ang isinasaad nito. Mahirap nga lang talaga ang dating mga iskrip natin dahil marami ang implisito. Dito sa aspetong "implisito" ng mga mabubuong simbolo maaari siguro magamit ang ibang metodo.

Siya nga pala, sa iyo ko nalaman na mayroon palang "concordance techniques". Maraming salamat. Inakses ko sa internet. Medyo natututo na rin ako. Ngunit, ang natuklasan ko pa lamang hanggang ngayon ay mga nakasulat na dokumento pa rin ang inaanalisa ng mga ito. Sa kasamaang palad, wala pang naipapasok na dokumento bago 1300 M.K. ang mga Australyano. Baka sa mga susunod na taon maiproses na nila pati na yung mga nakaukit sa mga stele na mas maaga pa sa 1300 M.K.

Basta, alam ko at alam na ng marami na matatag na ang iyong pagkadecipher ng iskrip ng Calatagan. Kapwa ang magkakaiba nating "basa"/"salin" ay nasasalalay sa katatagan ng inyong nadecipher na mga simbolo. Huwag mo sanang mamasamain na, para sa akin, importante rin ang nilalamang kultural ng tula. Kaya nga hanggang sa tugi at sa "dulay" (sa halip ng "dulang") ay napunta ang aking pagsusumikap na maintindihan ang ibig sabihin ng tulang nakarating hanggang sa atin. Mangyari pa, nagamit ko rin ang (mga) pamamaraang kinagawian ko, mula man sila sa kalaunan pa.

Bilang huling punto pala, sana makiliti ka rin sa implikasyon ng kapookan ng tula -- partikular, sa romantisismo at kapilyuhan ng sumulat nito sa isang banga na marahil ay kanya laging dinadala sa pook ng libingan ng asawang sumakabilang-buhay (sapagkat nag-isangdibdib din sila pagkatapos ng insidenteng iyon sa kagubatan at ang asawa ay naging "nanay" rin ng kanyang mga anak, kaya ang tawag sa kanya ay "ina"!!!) sa periodik na pagtitipon ng mag-anak at kamag-anakan kung kailan pinaglulutuan ang yumao, tulad ng dati sa mga yungib ng Tabon (unang libuntaon B.K.) at tulad din ng ginagawa natin hanggang ngayon sa pagsapit ng Kapistahan ng Mga Yumao tuwing Nobyembre. Biro tuloy ni Vic Paz, baka naman daw ganyan ang lumitaw sa aking punyagi dahil sa aking "continuing interest" sa paksa ng "libog". Palagiang interes din kaya iyan ng ating mga ninuno, hanggang sa kalawakan ng Pasipiko. Preokupasyon itong laging humahantong noon sa pagbasag ng areka (bunga) tungo sa pagnganga bilang ritwal ng pagniniig sa pag-ibig. Di ba? zas
zasalazar wrote on Mar 4, '08, edited on Mar 6, '08
P.S. Sa linya 5 ng aking salin, maaaring tanggalin ang "nag-iisa" at ito'y isulat ng ganito:

"Magbabasag tayo sana"

Samakatuwid, ganito ang magiging anyo ng buong salin:

INA, IKAW ANG AKING BISA
DUMALAGA NATING ALAGA
BANGA (AY) KANYANG NASIPA
DALA ITO NI (NG ISANG) MANUGI
[NA (SI/ ISANG) MANUGI ANG MAY DALA]
MAGBABASAG TAYO SANA
DI BAGA NG BUNGA.

ZAS
(Bersyong ika-5 ng Marso 2008)

Sa orihinal na tula, ang bilang ng mga pantig sa bawat taludtod ay: 6 -- 7 --7 -- 7 -- 7 -- 5. Ang tugma ay: a a i i a a. Tulad ng nabanggit na, ang 7-pantig na taludtod ang siya ring gamit sa ambahan ng Mangyan at tanaga ng Tagalog.

ina bisa kata
guna kita payaba
dula saya kaka-i
dada ya ni manugi
kita sana mabasa
baga ke/ki bunga

ISANG BASA:

INA BISA KATA
GUNA KITA PAYABA
DULAng SAYA KAw KA-In
DADA YAng (i)NI MANOGI
KITA SANA MABASAh
BAGAy KE BUNGA

[Ito ang batayan ng salin ni Bomen, na:

Sinikap sabihin ni ina
Para sa iyo mahal kong anak
Kumain ka sa aking dulang
Dibdib ko 'tong mabango
Doon ika'y mabasaq
Tulad ng bulaklak]

Ibang Basa:

Ina bisa kata
Guna kita payaba
Dula[y] saya kaka-i
Dad[r]a ya ni Manugi
Kita sana mabasa[g]
Baga ki bunga

[Ito ang batayan ng salin sa P/Filipino ni Zas]



Comment deleted at the request of the author.
Comment deleted at the request of the author.
bomen7 wrote on Mar 8, '08
Mahal na mga tagabasa,
Mula nang nailabas ang artikulong ito ay nagkaroon na ako ng maraming agam-agam hinggil sa resulta ng aking analisis. Hindi ko na matatanggap na tama ang pagkaka-decipher ng ika-3 at 4 na linya. Dapat na itong simulan muli nang sinumang may tiyaga. Pagsisikapan kong maglabas ng bagong bersyon sa darating na mga linggo ngunit sa ngayo'y hinihiling ko na ibababa/tatanggalin muna ang aking artikulo sa website na ito habang wala pa ang bagong bersyon para hindi makapaminsala ang maling impormasyon.
Salamat!

Ramon Guillermo (Ang may-akda)

-----------------------
Dear Readers,
Since this article came out, I have in the meantime had second thoughts about the validity of my analysis. The decipherment of the third and fourth lines is almost certainly mistaken. Someone else should start doing this from scratch. I shall come out with a new and more comprehensive version of the essay with ore caveats but in the meantime, I have requested the administrator of this forum to remove my article so that no further damage may be done by the dissemination of wrong information.
Thanks a lot!

Ramon Guillermo (the author)
zasalazar wrote on Mar 9, '08
Mahal na Xiao,
Pakitanggal na po ang artikulong nabanggit ni Bomen. Panatilihin sana, gayumpaman, ang mga komentaryo tungkol dito, kasama ang huling request ni Bomen (kung papayag siya) upang malaman ng mga mambabasa ang konteksto ng mga komentaryo. Maraming salamat, zas.
P.S. Handa pa rin ang bagongkasaysayan.multiply.com na muling ilathala ang papel ni Bomen kapag na rebisa na ito. Maraming salamat, Bomen, sa iyong pagkatiwala ng iyong papel sa websayt na ito. Nais kong ipabatid sa iyo, at sa ibang mambabasa na rin, na naipalaganap na ang iyong pagkadecipher ng iskrip ng banga ng Calatagan, isang achievement na hindi matatawaran at, sa palagay ko ay hindi na mayayanig pa, anuman ang maging pagbasa ninuman ng nilalaman nito. Sa puntong ito, pakitingnan po ang "Calatagan pot inscription finally deciphered" sa Filipiniana Blogsphere "Blog Archive" http://www.filipiniana.net:8080/blogsphere/?p=146.
Ingat lagi, zas
michaelxiaochua wrote on Mar 12, '08
Nailagay na po ang bagong bersyon. Muli salamat kay Prop. Bomen Guillermo sa pagtitiwalang ibinigay sa akin bilang webmaster, at sa Bagong Kasaysayan bilang organisasyon. Tamang-tama rin palang pansinin na ang logo ng BAKAS ay Bangang Calatagan ang nakalagay.
bagongkasaysayan wrote on Mar 27, '08
ANG PRESENTASYON NI DR. ZEUS SALAZAR UKOL SA BAGONG TUKLAS NI DR. BOMEN GUILLERMO: http://bagongkasaysayan.multiply.com/photos/album/5
sefcadayona wrote on Feb 20, '10
Isa itong wonder na discovery especially when it is from a Filipino. Use massage therapy schools to eliminate stress.
Add a Comment